NAGPAABOT ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng karagdagang tulong na P10,000 financial assistance para sa 22 kababayang na-repatriate at dinala sa Clark City na galing Wuhan province, China.
Ito ay sa pamamagitan ng Department’s Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) kung saan nakumpleto ng mga Pinoy ang kanilang 14-day quarantine sa ilalim ng mahigpit na pangangasiwa at regulasyon ng Department of Health (DoH).
Ang AICS ay ang social safety net na sumusuporta sa recovery ng isang indibiduwal o pamilya na dumaranas ng hindi inaasahang pangyayari o krisis sa kanilang buhay gaya ng tuluyang pagkawala ng trabaho dulot ng trahedya, sakit, kamatayan at iba pa.
Bukod pa rito, nakahanda rin ang DSWD na magpaabot ng karampatang tulong sa mga Filipino na sakay ng Japanese cruise ship na pinabalik sa bansa.
Nakatutok rito at abala si DSWD Assistant Secretary Glenda Relova sa pag-monitor ng mga kababayang na-repatriate mula sa naturang barko gayundin sa mga isinasagawang inter-agency coordination meetings sa mga kinauukulang ahensiya.
Kasunod nito, nagpalabas naman ng direktiba si DSWD Secretary Rolando Bautista sa lahat ng Department Field Offices sa bansa na maglaan ng mga centers at residential care facilities (CRCF) sa ilalim ng kagawaran para sa pansamantalang gagawing quarantine areas. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.