NASABAT ng mga tauhan Philippine Air Force at Philippine Navy ang tinatayang nasa P11.3 milyong halaga ng smuggled fuel at iba pang kontrabando kamakalawa ng gabi sa Brgy. Pakias, Bongao, Tawi-Tawi.
Sa ulat na ibinahagi ng PAF Public Information Office, bandang alas-11:00 kamakalawa ng gabi ay sinabat ng mga tauhan Air Force at Navy ang lantsang M/L Arnalyn 2 sa karagatang sakop ng Brgy. Pakias, sa Bongao.
Kabilang sa mga operatibang isinama sa ikinasang joint interdiction operation ang PAF Air Force Special Mission Group, Field Station Western Mindanao ang lead intel unit kasama ang Naval Intelligence Security Unit 61; Tactical Operations Group SUL-TAW; S2 Marine Battalion Landing Team 9; at 81MC, Marine Corps Assault Boat Battalion na ginamit sa pagsabat sa hinahabol na lantsa.
Sakay ng M/L Arnalyn 2 ang may 500 drums ng smuggled fuel products at assorted goods na tinatayang nagkakahalaga ng P11.3 milyon ang idinodokumento at kinumpiska.
Dinala ang nasabat na sasakyan sa Bongao pier para sa wastong documentation and disposition habang inaresto naman ang anim na tripulante nito . VERLIN RUIZ
Comments are closed.