UMAKYAT na sa mahigit P11 billion ang pinsala sa agrikultura at imprastraktura na iniwan ni Super Typhoon Rolly, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa update na ipinalabas ni NDRRMC executive director Ricardo Jalad, ang pinsala sa imprastruktura na dulot ni ‘Rolly’ ay nasa P8,473,811,685.78 sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Eastern Visayas, Cordillera Administrative Region (CAR) at National Capital Region (NCR).
Samantala, ang agri damage ni ‘Rolly’ ay tinatayang nasa PHP2,936,171,400 at natamo ito sa Calabarzon, Mimaropa, Bicol, at Eastern Visayas.
May kabuuang 44,712 ektaryang agricultural land din ang naapektuhan ng bagyo.
Iniulat din ng NDRRMC na may 44,033 bahay ang nawasak kung saan 14,064 ang ‘totally damaged’ at 29,969 ang ‘partially damaged’. Ang mga ito ay iniulat sa Mimaropa, Bicol, at CAR.
Samantala, nagpulong noong Miyerkoles ang mga opisyal ng NDRRMC at Regional DRRMC upang talakayin ang isinasagawang paghahanda para sa Tropical Storm Siony habang patuloy ang as relief response ng pamahalaan para sa mga biktima ni ‘Rolly’.
Sa naturang pagpupulong, tinalakay ng NDRRMC ang mga paghahanda para kay ‘Siony’, kabilang ang pagpapalabas ng memorandum sa lahat ng provincial directors ng Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa pagpapatupad ng preemptive evacuation sa mga lugar na ‘highly susceptible’ sa storm surge, pagbaha, at landslides; pagpapakalat ng warnings sa mga lugar na maaapektuhan; prepositioning ng food, non-food items, at mga gamot sa iba’t ibang lugar.
Kinabibilangan din ito ng activation ng medical teams mula sa iba’t ibang ospital ng Department of Health (DOH) para sa posibleng deployment; gayundin ng pagpapalabas ng patnubay at memoranda sa RDRRMC member agencies at local DRRMCs sa pagpapatigil sa mining activities, tourism activities, at quarrying. VERLIN RUIZ
Comments are closed.