UMAABOT sa P11 bilyong halaga na shabu na sinasabing nakumpiska sa 10 drug courier sa Brgy. Comon, bayan ng Infanta, Quezon noong Marso 15 ay tinurn-over na ng National Bureau of Investigation ( NBI) sa Phil. Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ayon kay NBI OIC-Director Eric B. Distor, ang nasabing turn-over ng illegal drugs sa PDEA ay base sa kautusan ng Regional Trial Court sa bayan ng Infanta, Quezon.
Nakasaad sa kautusan ng hukuman na sa pamamagitan ng NBI-Forensic Chemistry Division (FCD) ay isinasalin na ang custody ng illegal drugs na may timbang na 1,855.0 kilograms sa PDEA noong Abril 11 at 26.
Noong Abril 11, 25, at 26,, nagtungo sa NBI Head Office sa Quezon City ang Team of Prosecutors, PAO lawyers ng defense ng mga suspect, Court staff ng Infanta, Quezon para saksihan ang turn-over ceremony.
Maging ang RTC Judge ng Infanta, Quezon ay sumaksi sa pamamagitan ng virtual kung saan sinunog ng PDEA ang P11 bilyong halaga na Illegal drugs.
Magugunita na ikinasa ng Task Force Against Illegal Drugs (NBI-TFAID) ang anti-illegal drug operation kaya nasakote ang 10 drug couriers na lulan ng 3 commuter vans sa nabanggit na bayan noong Marso 15.
Ayon pa kay Distor, bukod sa grupo ng NBI-TFAID, kabilang din sa raiding team ang mga ahente ng NBI-Research and Analysis Division (RAD) at ang Lucena District Office (LUCDO) sa koordinasyon ng PNP Infanta, Quezon at PDEA Lucena.
Isinailalim na sa inquest proceeding sa Office of Prosecutor sa Infanta, Quezon ang 10 akusado na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). MHAR BASCO