KASUNOD ng pagkakaapruba sa ikalawang pagbasa sa plenaryo ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa House Bill 8014, tiwala ang isang partylist congresswoman na sa lalong madaling panahon ay magkakaroon ng katuparan ang panawagan na maging awtomatikong miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang lahat ng persons with disabilities (PWDs) sa bansa.
Ayon kay Ang Mata’y Alagaan (MATA) partylist Rep. Tricia Nicole Velasco-Catera, vice-chairperson ng House Committee on Health, mayorya ng mga mambabatas ang sumusuporta sa HB 8014 kung kaya kumpiyansa siyang mabilis na maisasapinal ang pagpasa rito ng Kamara.
Sinabi ng kongresista na sa Senado ay nakalusot na rin ang Senate Bill 1391, na nagsusulong na amyendahan ang Republic Act 7277 o ang Magna Carta for Disabled Persons upang maisama ang probisyon na pagkakaroon ng ‘automatic coverage’ sa PhilHealth program ng PWDs.
Subalit giit ni Velasco-Catera, sa panig ng Kamara mula sa iniakda niyang House Bill 6284 na naisama sa ‘consolidated version’ na HB 8014, partikular niyang tinukoy ang pondo na gagamitin para magkaroon ng PhilHealth membership ang PWDs.
Ito’y ang nakokolekta ng pamahalaan sa ipinapataw na excise tax sa tinaguriang ‘sin products’ gaya ng iba’t ibang produkto ng sigarilyo at alak.
Aniya, base sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) at Department of Economic Research-Bangko Sentral ng Pilipinas (DER-BSP) sa Consumer Price Index (CPI) ng bansa, sa nakalipas na isang taon ay 1.58 percent ang naitalang pagbili sa alak at sigarilyo.
Lumalabas na mas malaki pa ang ginagastos ng mga Filipino sa naturang ‘sin products’ kaysa sa konsumo nito sa mga prutas, sweets, footwear, gayundin ang inilalaan para sa hospital services at basic education.
Bukod dito, ani Velasco-Catera, sa ulat ng Department of Finance (DoF), sa unang anim ng buwan ng 2018 ay tumaas ang koleksiyon nito ng excise tax sa tobacco products at alcoholic drinks, na umaabot sa P112.46 billion, mas mataas ng 41.03% sa January-June 2017 collections na nasa P79.55 billion lamang. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.