P113.8-B PONDO SA 4Ps INILAAN PARA SA 2021

4Ps-3

SA GITNA ng mga hamon na dulot ng COVID-19 pandemic, lalo na sa mahihirap na Filipinos, may kabuuang P113.8 billion ang inilaan para sa implementasyon ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa ilalim ng panukalang P4.5 trillion national budget para sa 2021.

Ang naturang halaga ay bumubuo sa 66% ng kabuuang budget ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa susunod na taon, sa P171.2 billion.

Mas mataas din ito ng P5 billion kumpara sa kasalukuyang pondo.

Ayon kay Presidente  Rodrigo Duterte, ang inilaang budget para sa  4Ps ay inaasahang patuloy na magkakaloob ng ayuda sa may 4.4 million household beneficiaries ng programa, kabilang ang educational at health grants, at as rice subsidy.

Ang 4Ps na tinatawag ding Conditional Cash Transfer program ay isang poverty alleviation program na nagkakaloob sa mga pamilya ng cash assistance para sa pag-aaral ng kanilang mga anak at pagdadala sa mga ito sa local health centers para sa check-ups.

Ang panukalang  2021 national budget ay may alokasyon din para sa iba pang programa sa ilalim ng DSWD, kabilang ang  Social Pension for Indigent Senior Citizens na nagkakahalaga ng P23.2 billion para sa pagbabayad P500 monthly social pension para sa 3.8 million benepisyaryo.

May P12.0 billion din ang inilaan para sa mahigit 1.7 million indibidwal at pamilya na benepisyaryo Alternative Family Care Program, Protective Services Program, at Comprehensive Program for Street Children, Street Families, and Badjaos ng DSWD.

Comments are closed.