P116.8-M MARIJUANA, CANNABIS VAPE PEN NASAMSAM

INIULAT ng Bureau of Customs (BOC) na nasamsam nila ang limang balikbayan box na naglalaman ng 82 kilo ng marijuana at 1,881 cannabis vape pen na nagkakahalaga ng P116.8 milyon sa magkasunod na operasyon.

Sinabi ng BOC na ang limang kahon, na ipinadala mula sa Thailand ay kabilang sa 200 balikbayan boxes na dumating sa Manila International Container Port (MICP) noong Pebrero 27.

Natuklasan ng K-9 dog ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga droga na nakatago sa mga balikbayan box.

Sinabi ng BOC na ang limang kahon ay naka-consign kay Marcelo D. Laylo Cargo Forwarders, kung saan ang recipient ay nakalista bilang Gerard Cruz.

Gayundin, isang alert order ang inilabas noong Pebrero 28 na naging daan para sa pisikal na pagsusuri sa nilalaman ng mga balikbayan boxes noong Abril 2.

Ang mga kahon ay ibinalik sa lalagyan ng pagpapadala, na muling tinatakan at naka-padlock.

Ang mga kontrabando ay ibibigay sa PDEA pagkatapos ng buong imbentaryo, sabi ng BOC.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 118 (prohibited importation and exportation) at Section 1400 (misdeclaration) ang mga consignee, senders at recipient ng balikbayan boxes kaugnay ng Section 1113 (property subject to seizure and forfeiture) ng Customs Modernization and Tariff Act at ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Samantala, naharang ng BOC ang pitong unclaimed parcels na naglalaman ng ilegal na droga na nagkakahalaga ng P14.8 milyon na dumating sa Central Mail Exchange Center (CMEC )sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Isang parsela na dumating noong Enero 19 mula sa Wilmington sa California na naglalaman ng 2.4 kilos ng cocaine na may street value na P13 milyon.

Anim pang parsela na idineklarang naglalaman ng mga personal na gamit ang nadiskubre na may nakasamang 1.3 kilo ng high-grade na dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P1.8 milyon.
EVELYN GARCIA