P118-B NAKOLEKTA NG BOC SA FUEL MARKING SA H1

Tax

UMABOT sa P118 bilyong duties at taxes ang nakolekta ng Bureau of Customs (BOC) sa first half ng 2022 mula sa siyam na bilyong litro ng marked fuel.

Ang fuel marking ay minamandato ngTax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law para mabawasan ang oil smuggling.

Ang imported fuel ay minamarkahan ng gobyerno gamit ang special ink na nangangahulugan na nabayaran na ang kinakailangang import duties.

Ayon sa BOC, ang pagmamarka sa siyam na bilyong litro ng imported fuel sa unang anim na buwan ng taon ay alinsunod sa pagsisikap nitong masugpo ang ilegal na kalakalan at makakolekta ng tamang buwis para sa pamahalaan.

Dahil dito, sinabi ng BOC na ang kabuuang marked gasoline, diesel, at kerosene mula September 2019 — nang simulan ang fuel marking program — hanggang June 2022 ay umabot na sa 43.65 bilyong litro, na katumbas sa P432.3 bilyong duties at taxes.

Ayon pa sa BOC, ang diesel ang may pinakamalaking bahagi sa total volume marked sa 60.59%, sumusunod ang gasolina na may 38.9% at kerosene na may 0.51% ng marked volume.

Sa lokasyon, 73.88% ng marking ay sa Luzon, 20.66% sa Mindanao, at 5.47% sa Visayas.

Dagdag pa ng Customs, kasama ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ay nakakumpiska sila ng kabuuang 111,157.80 litro ng diesel, 3,311 litro ng kerosene, at 18,839 litro ng gasolina, at nakasamsam ng dalawang units ng tank trucks na naglalaman ng unmarked fuel na tinatayang may kabuuang halaga na P14.4 million.