P12.259B PARA SA PABAHAY SA INFORMAL SETTLERS AT NAWALAN NG BAHAY

IRE-RELEASE na ng Department of Budget and Management ang inaprubahang P12.259 bilyon para tustusan ang pagpapatayo ng mga tahanan para sa informal settler families at housing assistance para naman sa mga biktima ng kalamidad o mga indibidwal na nawalan ng tahanan makaraang mawasak sa bagyo at lindol.

Nilagdaan na rin ni DBM Secretary Amenah Pangandaman ang pagpapalabas ng Notice of Cash Allocation kung saan nakasaad ang nasabing halaga sa National Housing Authority (NHA) para agad maipatupad ang proyekto para sa housing assistance sa mga calamity victims at pagpopondo sa resettlement ng informal settler families sa Western Visayas.

Sinabi ni Pangandaman na ang P12.059 billion ay para sa pondo ng housing assistance ng calamity victims (HAPCV) habang ang P200 million ay sa konstruksyon ng apat na units ng 5-storey, low-rise residential buildings sa Region VI (Western Visayas) para sa resettlement ng informal settler families (ISFs).

Ang kahilingan para sa mga pagbabayad, na sisingilin sa mga inilabas na pamamahagi ng mga nakaraang taon, ay sinuportahan ng isang dokumentadong listahan ng Special Allotment Release Orders (SAROs) na may kani-kanilang mga halaga, katayuan ng paggamit ng pondo, at mga ulat sa pananagutan sa pananalapi na lahat ay kinumpirma ng DBM.

Ang National Housing Authority (NHA) ang nag-iisang pambansang ahensiya na inatasan na makisali sa paggawa ng pabahay para sa mga pamilyang mababa ang kita. Sa ilalim ng administratibong pangangasiwa ng Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD), ang NHA ay gumaganap bilang isang production at financing arm sa pabahay. EVELYN QUIROZ