HINDI bababa sa P12.3 billion na taripa mula sa rice importation ang nakolekta ng pamahalaan noong 2019, mas mataas sa P10-billion na inilaang pondo sa mga programa para sa mga magsasaka na apektado ng pag-aalis sa import restrictions, ayon sa Department of Finance (DOF).
Sinabi ng DOF na nahigitan ng karagdagang kita mula sa implementasyon ng Rice Tariffication law magmula noong Marso 2019 ang halagang inilaan sa taunang Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF).
Layunin ng RCEF na imodernisa ang sektor ng agrikultura at pagkalooban ang mga magsasaka ng mga makabagong teknolohiya, mas madaling access sa cheap credit, high-quality seeds, at bagong kasanayan.
Sa ilalim ng batas, ang mga bigas na inangkat sa ASEAN countries ay papatawan ng 35 percent tariff. Kapag ang imports ay hindi lumagpas sa 350,000 metric tons at nagmula sa mga bansa sa labas ng ASEAN, ang taripa ay 40 percent.
Ang imports na lumagpas sa 350,000 metric tons at nanggaling sa non-Asean countries ay papatawan naman ng 180 percent tariff.
Ang sumobrang pondo ay gagamitin sa cash aid sa mga magsasaka sa mga lugar na labis na bumagsak ang presyo ng palay da-hil sa pagbaha ng mga imported na bigas.
Inilunsad ng Department of Agriculture (DA) ang rice farmer financial assistance (RFFA) program na nagkakaloob ng cash grants na tig-P5,000 sa tinatayang 600,000 magsasaka na naapektuhan ng mababang farm gate prices.
Nag-aalok din ang DA ng zero-interest credit program para sa mga magsasaka at low-interest loans para sa local government units na maaari nilang magamit sa pagbili ng local crops. PILIPINO Mirror Reportorial Team