P12.4-M SMUGGLED DIESEL NASABAT

BATAAN- TINATAYANG nasa P12.4 milyong halaga ng smuggled diesel ang nasabat ng mga ahente ng Bureau of Customs (BOC) sa isinagawang follow-up operation sa Mariveles.

Sa ulat na ipinarating kay Custom Commissioner Bienvenido Rubio , kinumpiska ng mga operatiba ang may 40 kiloliters na unmarked fuel diesel na lulan ng lorry truck na tinatayang nagkakahalaga ng P12,496,117.20.

Isinagawa ng BOC- Enforcement and Security Service (ESS) ang operation sa compound ng Seafront Shipyard at Port Terminal Services Corporation sa Barangay Lucanin, Mariveles.

Ayon sa BOC, ang naturang nasamsam na diesel ay nakatakda sanang ilagay sa mga barkong Meridian Cinco at MV Seaborne Cargo 7 na kasalukuyang sumasailalim sa repair services sa nasabing shipyard.

Base din sa mga nakalap na dokumento, napag-alaman na ang nakumpiskang 40 kiloliters ng diesel ay nagmula sa Cabatuan, Isabela.

Kumuha ng samples ng diesel ang mga kinatawan ng Société Générale de Surveillance (SGS) para isailalim sa fuel marking testing na magdedetermina na dumaan ang nasabing kontrabando sa tamang proseso at nabayaran ang kinakailangan buwis.

Natuklasan sa initial at ginawang confirmatory test result na walang presensiya ng fuel marker.

Bunsod nito, inisyuhan ni District Collector Alexandra Y. Lumontad ng Warrant of Seizure and Detention ang mga operator ng lorry truck at trailer na naglalaman ng unmarked diesel dahil sa paglabag ng mga ito sa Customs Modernization and Tariff Act at DOF-BOC-BIR Joint Circular 001-2021.

“The Port of Limay, under the guidance of Commissioner Bienvenido Y. Rubio, will remain committed to further strengthen its anti-smuggling and border control operations to ensure that petroleum products which have not paid duties and taxes will not proliferate in our domestic market,” ani Lumontad. VERLIN RUIZ