P12.7-M SMUGGLED RICE NASABAT NG PHIL NAVY

TAWI- TAWI- TINATAYANG nagkakahalaga ng P12.7 milyong halaga ng smuggled rice ang nasabat ng mga tauhan ng Philippine Navy sa nasabing lalawigan.

Sa inisyal na ulat na nakarating sa punong himpilan ng Hukbong Dagat ng Pilipinas, naharang ng mga operatiba ng Naval Forces Western Mindanao ang Motor Vessel (MV) Katrina V sa karagatang sakop ng Chongos Bay, Bongao ng nabangit na lalawigan.

Sa isinagawang interdiction ng NAVFORWEST, nalantad ang karga nitong sako-sakong undocumented na mga bigas.

Ayon sa Naval Forces Western Mindanao, nagsagawa sila ng inspeksyon sa naturang sea vessel may 670 yards hilaga ng Papahag Island, Tawi-Tawi bilang bahagi ng kanilang standard operating procedure.

Nang inspeksyunin ang kabuuang kargamento ay tumambad sa mga awtoridad ang 6,000 sako ng bigas na walang kaukulang dokumento.

Agad ineskortan ng mga awtoridad ang MV Katrina V at kanyang crew sa Chinese Pier sa Bongao, Tawi-Tawi. VERLIN RUIZ