P12-M SMUGGLED AGRI PRODUCTS NASABAT

MISAMIS ORIENTAL- TINATAYANG aabot sa P12-milyong halaga ng smuggled agricultural products ang nasabat ng mga operatiba Bureau of Customs-Port of Cagayan de Oro sa loob ng Mindanao Container Terminal Port, PHIVIDEC Compound sa bayan ng Tagoloan sa lalawigang ito nitong Martes.

Nabatid na ang shipments ng smuggled agricultural products na lulan ng 4 containers ay dumating sa nasabing terminal noong Hulyo 12 mula China at naka-consigned sa Primex Export and Import Producer.

Napag-alamang idineklarang “Spring Roll Patti” ang nasabing produkto base sa nakalagay sa Inward Foreign Manifest kaya kaagad na nagpalabas ng Pre Lodgment Control Order (PLCO) si District Collector Atty. Elvira Cruz nitong Hulyo 13.

Sinaksihan naman ng mga representatives ng CIIS-CDO, ESS-CDO, CCBI, BPU, MICTSI, PDEA at Customs examiner ang pagbubukas ng 4 containers kung saan lumantad ang tone-toneladang red at white onions na may standard value na P12, 000, 000.

Agad na nag-isyu ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) ang BOC laban sa smuggled agri products sa paglabag sa Section 1400 of RA 10863 o the Customs Modernization and Tariff Act.

Magugunitang ikalawang seizure na ito ng smuggled agri products sa Port of Cagayan de Oro sa loob lamang ng dalawang linggo habang nagpapatuloy naman ang pag-monitor at nakaakerto ang mga personnel ng BOC laban sa mga kahina-hinalang container na dumadaong sa nasabing port at sa ibang terminal. MHAR BASCO