NASA P120 milyong smuggled poultry at seafood products ang nasabat ng Bureau of Customs katuwang ang Department of Agriculture, National Meat Inspection Service (NMIS), at Philippine Coast Guard (PCG) sa ikinasang joint operation sa Navotas.
Ayon kay BOC Commissioner Bienvenido Rubio, umaabot sa P120 milyong halaga ng poultry at seafood items ang kanilang nadiskubre sa pitong warehouse o cold storage na kanilang sinalakay .
Ilan sa mga nadiskubre ay mga poultry product tulad ng frozen pork legs, chicken drumsticks, chicken feet, pork spareribs at laman ng baka habang ilan namang seafoods ay squid rings, crayfish, golden pampano at fish tofu.
Lumitaw sa pagsisiyasat na nagmula ang mga frozen seafood sa China habang ang mga laman ng baka ay mula sa Brazil at Australia samantalang pork products ay sa United States at Russia.
Sa pamamagitan ng Letters of Authority (LOAs) na pirmado ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio ay nalantad din sa nasabing operation ang isang bakanteng warehouse na sinadyang gawing cold storage facility.
Agad na ipinag utos ni Rubio na magsagawa ng inventory at ipatawag ang mga may-ari ng frozen goods na magpresenta ng importation documents o patunay na hindi smuggled ang mga produkto.
Ayon kay CIIS-MICP chief Alvin Enciso papatawan umano ng karampatang kaso ang mga may-ari oras na mapatunayang pawang puslit o misdeclared ang mga nadiskubreng produkto.
VERLIN RUIZ