NAMAHAGI ang Department of Labor and Employment (DOLE) Bicol, sa pamamagitan ni Regional Director Imelda F. Gatinao at ng Albay Provincial Office, ng cash assistance sa 1,307 TUPAD beneficiaries sa isang payout activity na idinaos sa Ibalong Centrum for Recreation.
Ang bawat TUPAD beneficiary ay tumanggap ng kabuuang ₱3,950 para sa 10 araw na trabaho.
Tiniyak ni Director Gatinao sa publiko ang walang sawang pagsuporta ng DOLE para sa rehabilitasyon ng vulnerable sectors na labis na naapektuhan ng mga bagyo.
“Kayo po ay makatitiyak na ang DOLE ay mananatiling totoo sa aming pangako na tulungan namin ang mga nasa mahihinang sektor na makabangon muli. Sama-sama nating ayusin at tulungan bumangon muli ang ating mga komunidad na labis na naapektuhan ng sunod-sunod na bagyo,” pagbibigay-diin niya.
Ang mga benepisyaryo ay lumahok sa iba’t ibang community development projects, kabilang ang clearing operations, pagwawalis sa lansangan at sidewalk, paglilinis ng public facilities, at community gardening.
Ang TUPAD program ay nagkakaloob ng emergency employment para sa disadvantaged workers, nag-aalok ng 10 hanggang 30 araw ng community work, lalo na sa panahon ng kalamidad, upang matulungan ang mga benepisyaryo na i-rehabilitate ang kanilang mga komunidad.