BULACAN- UMAABOT sa halagang P122-K ng pinatuyong dahon ng marijuana ang nakumpiska ng awtoridad sa magkasosyong drug pusher makaraang kumagat sila sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Patubig, Marilao, Bulacan kamakalawa ng hapon habang11 pang drug peddlers ang nakorner din sa serye ng drug-bust sa anim pang bayan sa nasabing lalawigan.
Kinilala ni Col.Rommel J. Ochave, acting Provincial Director ng Bulacan PNP,ang naarestong sina John Ruperto Santos ng Barangay Lambakin at Arnold Julius Sangle ng Barangay Loma De Gato,kapwa sa bayan ng Marilao at nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng RA 9165.
Nabatid na dakong alas-5:30 ng hapon nitong Lunes nang magkasa ng buy-bust operation ang Station Drug Enforcement Unit(SDEU) ng Marilao PNP sa over-all supervision ni Lt.Col.Bernardo Pagaduan,Marilao police chief sa Barangay Patubig at kanilang target ang sina Santos at Sangle na big-time pusher ng damo sa nasabing bayan.
Hindi na nakapalag ang dalawang suspek nang bentahan ng damo ang undercover police at makuha sa kanilang pag-iingat ang 1,018 gramo ng damo na nagkakahalaga ng P122,169 sa matagumpay na Anti-Drug operation ng Marilao police sa nasabing lugar.
Samantala, sa hiwalay na operasyon ay 11 drug peddlers din ang natimbog ng SDEU ng mga bayan ng Bulakan,Bocaue,Hagonoy,Baliwag,Bustos at Angat police at nakarekober ang awtoridad ng kabuuang 37 pakete ng shabu,assorted drug paraphernalias at buy-bust money. MARIVIC RAGUDOS