NASABAT ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) kamakailan sa Manila International Container Port (MICP) ang isang daang (100) 20-footer container na may laman na 2,500 tonelada ng white rice at tinatayang nagkakahalaga ng P125 milyon.
Ayon sa report na nakarating kay BOC Commissioner Isidro Lapeña ang naturang mga container ay may laman na 50,000 sako ng bigas na galing sa Thailand.
Napag-alaman na ang sinasabing mga bigas ay pag-aari ng isang Sta. Rosa Farm Products Corp., na matatagpuan sa 2025 Ipil St. Sta Cruz Manila, isang rice importer na may pending case sa Department of Justice, dahil sa illegal o unlawful importation ng 200 containers ng bigas ng walang import permit.
Batay sa rekord ng BOC ang nasabing mga sako ng bigas ay dumating sa bansa noon pang nakalipas na Hunyo 14, at walang maipakitang import permit ang may-ari galing sa National Food Authority.
Agad namang inisyuhan ng BOC ng warrant of seizure and detention ang mga sinasabing toneladang bigas dahil sa paglabag sa Section 117 in relation to NFA Letter Circular No. AO-2013-04-002, Section 1401 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at ng Republic Act No. 10845 o iyong tinatawag na Anti-Agricultural Smuggling Act.
Sa ilalim ng NFA Letter Circular No. AO-2013-04-002 saklaw sa batas na ito, na kumuha ng permit ang mga rice importer sa NFA bago magparating ng bigas sa Filipinas. FROI MORALLOS
Comments are closed.