CAVITE – UMAABOT sa P13.3 bilyong halaga ng iba’t ibang ilegal na droga kabilang ang shabu,cocaine at marijuana ang sinunog ng mga awtoridad sa bahagi ng Barangay Aguado sa Trece Martirez City, Cavite kahapon ng umaga.
Base sa ulat na nakarating sa Camp Pantaleon Garcia, karamihan sa mga droga na narekober ay mula sa serye ng anti-drug operations na kung saan ay umaabot sa 1, 200.14956 kilograms (1.2 tonelada) ng methylamphetamine hydrochloride (shabu) ang kabilang sa sinunog sa Integrated Waste Management, Inc. (IWMI) sa nasabing barangay.
Kabilang sa illegal drugs na pina-thermal decomposition ay ang kilo-kilong cocaine, pinatuyong dahon ng marijuana, ephedrine, MDMA at iba pang expired medicines na tumitimbang na 2,103,904.23 gramo (2.10 tons) na nagkakahalaga ng P13,359,157,093.55.
Sa simpleng seremonya, idinaos sa aktuwal na pagwasak sa illegal drugs na sinaksihan ni Atty. Jose Midas Marquez na Supreme Court Spokesperson at kasalukuyang hepe ng Office of the Court Administrator bilang guest of honor.
Dumalo rin sa nasabing seremonya sina PDEA Director General Wilkins Villanueva, Police General Archie Francisco Gamboa, Chief, PNP; Police Brigadier General Antonio Candido Yarra, DRDA PRO4 CALABARZON; Police Colonel Marlon Santos, Cavite provincial director; representatives mula sa PDEA, DOJ, Dangerous Drugs Board, Public Attorney’s Office, LGU representatives, NGOs at mga mamahayag.
Nabatid na ang tone-toneladang droga na narekober sa isinagawang anti- drug operations sa ibat ibang bayan at lungsod sa buong kapuluan ay ginamit sa Korte bilang ebidensiya laban sa mga nasakoteng drug suspect at inaprubahan ng Supreme Court na sunugin. MHAR BASCO/VERLIN RUIZ
Comments are closed.