CEBU – Nasa 2 kilos ng shabu na may street value na umaabot sa P13.6 milyon ang nakuha sa pag-iingat ng nadakip na high value target sa ikinasang joint anti-narcotics operation ng Philippine Drug Enforcement Agency- PDEA 7 at PNP sa Consolacion sa lalawigang ito.
Sa ulat na ipinarating sa tanggapan ni PDEA Director General Moro Virgilio Lazo, bandang alas-3:20 kamakalawa ng hapon ay nagsagawa ng joint buy bust operation ang mga tauhan ng Consolacion Municipal Police Station at PDEA Cebu Provincial Office sa District 2, Barangay Pulpogan, Consolacion, Cebu na nag resulta sa pagkakadakip sa isang itinuturing na high value target at pagkumpiska sa may 2 kilos ng shabu.
Kinilala ang suspek na si alias James, 46-anyos, jobless, native of Bohol na pansamantalang naninirahan sa nasabing barangay.
Nakumpiska rito ang dalawang pakete ng shabu na may kabuuang timbang na umaabot sa dalawang kilo, ang ginamit na buy-bust money, cash na nagkakahalaga ng P500, isang KG 9 machine pistol with magazine na may limang bala at isang black bag.
Kasalukuyang nasa pag-iingat ng PDEA 7 Regional Laboratory ang nahuling shabu para sa chemical analysis at proper disposition.
Nahaharap naman sa kasong paglabag sa RA 9165 and RA 10591 ang suspek.
VERLIN RUIZ