CAMP VICENTE LIM – NASAKOTE ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-NCR/4A) Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) at San Pedro PNP ang itinuturong big time drug pusher sa ikinasang buy bust operation kasunod ang pagkakumpiska sa malaking halaga ng shabu sa Harmony Village, Jupiter St. Bgy. San Vicente sa lungsod na ito kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ni PDEA4A Director III Adrian Alvarino, kinilala ang suspek na si Haron Thocks y Bukong, 50-anyos, driver, residente ng Maguindanao Ave, P-3 Lower Bicutan, Taguig City.
Bandang alas-10:30 ng gabi nang magkasa ng buy bust operation ang mga operatiba sa pamumuno ni Almarino at PDEA RO NCR District Officer IA V Mary Lyd Arguelles habang isa sa mga ito ang nagpanggap na poseur buyer gamit ang boodle money.
Sinasabing nakasakay sa isang Toyota Fortuner ang suspek nang masakote ito ng mga operatiba na kung saan matagal ng nila itong target.
Nakumpiska sa suspek ang dalawang foil pack na may nakasulat na “GUANYINWANG” na naglalaman ng 20 piraso ng heat-sealed transparent plastic sachets ng shabu na umaabot sa mahigit na 2 kilo na nagkakahalaga ng P13.6 milyon.
Dalawang cellular phone, ID card at boodle money ang nakumpiska sa suspek na kasalukuyang nakapiit sa PDEA4A Lock Up Cell at nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 of Art. II of RA 9165. DICK GARAY
Comments are closed.