P13.7-B SA 13TH MONTH PAY SUBSIDY KAKAILANGANIN NG DOLE

Silvestre Bello III

TINATAYANG mangangailangan ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng P5 billion hanggang P13.7 billion para i-subsidize ang 13th month pay ng mga empleyado mula sa micro and small enterprises.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, sa tala ng ahensiya, may 1.5 milyong manggagawa ang naapektuhan ng COVID-19 pandemic, habang sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) ay nasa 5.1 milyon ang apektadong workers.

Anang labor chief, ang tinatayang halaga na kakailanganin para sa subsidiya ay base sa naturang mga numero.

Gayunman ay nilinaw ni Bello na hindi pa aprubado ni Presidente Rodrigo Duterte at ng Department of Finance (DOF) ang pagkakaloob ng subsidiya.

Noong Biyernes ay nagpalabas ang DOLE ng guidelines sa pagkakaloob ng 13th month pay, at sinabing hindi ito tatanggap ng anumang kahilingan para sa exemption o deferment.

Nauna na ring pinaalalahanan ng ahensiya ang mga employer na ibigay ang  13th month pay ng kanilang mga manggagawa na hindi lalagpas sa ­Disyembre 24 ngayong taon.

Comments are closed.