P13-M KUSH, ECSTASY TABLETS NASAMSAM

NADISKUBRE ng NAIA-IADITG (Inter-Agency Drug Interdiction Task Group) ang drogang nakatago sa 21 parcels sa Central Mail Exchange Center sa Pasay City.

Idineklarang naglalaman ang mga parcel ng tsa, wiring harnesses, damit, libro at skincare products.

Nasamsam ang mahigit 7,000 gramo ng kush o high grade marijuana at mahigit 1,200 ecstasy tablets na aabot sa halos P13 milyon.

“Dumadaan ‘yan sa x-ray and then nung nakita natin doon na meron pinadaan natin sa K9 inspection and then after nyan nagkaroon din ng thorough examination ang NBI para ma-check talaga doon natin napag-alaman na meron na may lamang pinaghihinalaang droga,” pahayag ni Arvin Targa, PIO chief ng PDEA RO NCR.

Hindi pa tinukoy ng mga awtoridad ang bansang pinagmulan ng parcel at iniimbestigahan na rin ang nakasaad na consignee.

“Ive-verify natin yung existence ng mga tao na nandito at the same time yung address na nakalagay yung mga details. Our goal is to file a case against them pertaining to R.A. 9165,” ayon kay Targa.

Dinala naman sa PDEA ang mga ebidensya para sa pagsusuri.

EVELYN GARCIA