BULACAN- MAHIGIT sa P13 milyong halaga ng fake o imitation na Crocs ang kinumpiska ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group at Intellectual Property Rights Manila Associate Inc at Crocs Philippines sa isang warehouse sa El Bulakeño St., Brgy. Saog, Marilao sa lalawigang ito.
Sa report ni CIDG Provincial Officer Maj.Dan August Masangkay kay CIDG Regional Officer-lll Col.Jess Mendez, kinilala ang mga suspek na sina Ma. Kristel De Asis Calang, 24-anyos; Abigail Rogana Loyogoy, 24-anyos; Bea Cantos, 27-anyos; Cherry Ann Salvador Dato-on, 30-anyos na pawang packer at residente ng Marilao Kasama rin sina Relly Liwanagan Gutierrez, 23-anyos,binata, packer/bodegero at Samantha Policarpio Sarmiento, 20-anyos,dalaga packer, residente ng Meycuayan City.
Base sa paunang imbestigasyon ni Cpl Kirt David Corsino, dalawang taon na ang operasyon ng naturang kumpanya na kung saan ganap na alas-10:30 ng gabi nitong Miyerkules nang isagawa ang buy bust operation sa Footprints Direct Supplier na pag-aari umano ng isang Cristeta Atienza.
Sa inisyal na report, nakita sa bodega ang nasa 300 kahon na naglalaman ng tig-15 pares na pekeng crocs na may inisyal bilang na nasa 4,500 pares.
Ibat-ibang uri at designed na pang bata at matanda ang ibinebenta sa pamamagitan ng Online apps at sa walk-in buyers.
Ayon naman kay Alex Villafuerte ng IPR, una na silang nagsagawa ng test buy bago ang buy bust ng CIDG.
Nabatid na nabibili ang imitation na Crocs sa halagang P700/pares habang ang Original nitong presyo ay nasa P4,000/pares.
Samantala, dadalhin ang mga nakumpiskang sandals sa tanggapan ng ng IPR bilang ebidensiya sa korte habang kasong paglabag sa RA 8293 (intellectual property code of the Philippines) ang isasampa laban sa mga suspek. THONY ARCENAL