WALANG kawala sa mga kamay ng Bureau of Customs (BOC)-Port of Subic ang illegal shipment ng agricultural products at sigarilyo na may kabuuang halaga na P 136.59 milyon.
Noong Agosto 15, limang 40-foot containers na idineklarang naglalaman ng 13,250 karton ng frozen fish egg balls na tinatayang nagkakahalaga ng P21 milyon ang isinailalim sa verification request mula kay Deputy Commissioner Juvymax R. Uy ng Intelligence Group na nagresulta sa pag-isyu ng Alert Order laban dito noong Agosto 22.
Sa isinagawang physical examination noong Agosto 28, nadiskubre ng mga opisyal ng Customs na ang mga container ay naglalaman ng mga sariwang carrots at dilaw na sibuyas sa halip na frozen fish egg balls.
Bukod dito, kulang din ang mga kinakailangang dokumento, kabilang ang Certificate of Product Registration mula sa FDA, Sanitary and Phytosanitary Certificate at tamang deklarasyon ng tunay na laman na isang paglabag sa ilang regulasyon ng DOH FDA Administrative Order No. 2020-0017, Department of Agriculture Circular No. 4 Series of 2016 at Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) partikular ang Sections 1400 at 1113 (f).
Agad na inisyu ang Warrants of Seizure and Detention laban sa naturang kargamento at kasalukuyang pinoproseso ang forfeiture.
Kasabay nito, natagpuan ang 1,986 master cases ng sigarilyo mula sa Taiwan na nagkakahalaga ng P115.5 milyon sa dalawang 40-foot containers noong Setyembre 6.
Ang kargamento ay idineklarang naglalaman ng “Packages Tissue” o mga gamit sa bahay.
Ang maling deklarasyong ito ay lumabag sa ilang regulasyon, kabilang ang National Tobacco Administration’s Circular No. 03 Series of 2004 at Bureau of Internal Revenue Circular No. 79-2022 na may kaugnayan sa Section 1113 (f) ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
At nitong Setyembre 11, isinagawa nina Deputy Commissioner Uy, Port of Subic District Collector Atty. Ricardo U. Morales II, CESE, Department of Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. at iba pang opisyal ang re-inspection ng mga nakumpiskang agri products.
Binigyang-diin ni District Collector Morales ang kanilang pangako sa pagpapatupad ng mga regulasyon sa pag-aangkat.
“We are determined to prevent misdeclared and smuggled goods from entering the country. Our stringent inspection protocols ensure compliance with the law, and we will take necessary action against violators.”
RUBEN FUENTES