PORMAL nang isinalin ng Quezon City Local Government Unit (LGU) sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang pamamahala sa kauna-unahang “world class” na Quezon City Jail kahapon ng umaga.
Ibinigay ng pamahalaang lokal ang symbolic golden key kay Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Chief Director Allan Iral na sinaksihan nina BJMP-National Capital Regional Office Chief, JChief Supt. Luisito C Muñoz at QC Jail Warden, JSupt.Michelle Ng Bonto.
Bagaman naisalin na sa BJMP ang pinakaunahang World Class City Jail sa bansa, sa susunod na taon pa maaring magamit o mailipat ang mga Person Deprived of Liberty mula sa lumang QC Jail na nasa Barangay Kamuning, Quezon City dahil sa hindi pa natapos ang mga perimeter wall ng piitan sanhi ng kakapusan ng pondo kung saan aabot sa P139 milyon ang budget para sa bakod ng kulungan.
Gayunpaman, ipinangako ng pamahalaang lungsod na sasagutin nila ang pagpapagawa ng perimeter walls para agad nang mailipat ang PDL’s.
Sinabi naman ni Iral na ang bagong city jail ay kasagutan sa matagal nang problema sa sobrang kasikipan ng lumang QC jail kung saan umaabot sa 3,500 ang kasalukuyan nakakulong habang ang kulungan ay nakadisenyo para lamang sa 800 na inmates.
Nagsimulang tumaas ang bilang ng inmates sa piitan noong magdeklara ng giyera si Pangulong Rodrigo Duterte laban sa illegal na droga.
Ayon kay Iral, ang lupang kinatatayuan ng bagong city jail na may sukat na 2.5 ektarya ay ibinigay ng QC government na may tatlong malalaking gusali na may taas na 5 palapag na nagkakahalaga ng P1,397,103,730.56 at sa nasabing pondo hindi nakasama rito ang pagpapagawa sa perimeter wall.
Sinabi ni Iral, ang tatlong gusali ay mayroong 440 selda na may sukat na 47 sqm.
“Maibsan na ang problema sa congestion. Each cell is provided with adequate water, entry of light and air’s per the standard requirement of the International Committee of the Red Cross (ICRC). Sampung (10) na inmates lang ang ilalagay sa bawat selda,” pahayag ni Iral.
Samantala, ayon naman kay Bonto, ang bagong city jail ay maaring makakapag-okupa ng 4,400 hanggang 6,000 na PDLs kung saan aabot sa 20,880 sqm ang kabuuang bilang ng selda. MARIA THERESA BRIONES