P13M SHABU HULI NG PDEA AT PHILIPPINE MARINES

SULU- TINATAYANG nagkakahalaga ng P13 milyon ang street value ng shabu na nasamsam sa sinagawang joint anti-narcotics operation ng Philippine Drug Enforcment Agency (PDEA) at 4th Marine Brigade ng Philippine Navy sa lalawigan ng Sulu.

Nahaharap naman sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang tatlong tinuturing na mga bigtime drug dealer na nasakote sa inilatag na joint buy bust operation.

Kinilala ang mga nadakip na sina Ilahan Yahya, 48-anyos, at kanyang dalawang kasamang mga babae na sina Murida Ahajan, at si Elwina Unaid, 24, mga residente ng Indanan, Sulu.

Una rito ay nagsagawa muna ng intelligence operation ang mga ahente ng PDEA-Bangsamoro Autonomous Region (PDEA-BAR) at ng mag positibo ang kanilang project ay nagkasa ng drug buy-bust operation ang PDEA katuwang ang 4th Marine Brigade at Indanan Municipal Police Station.

Nang kumagat sa bitag ay agad nang dinamba ng mga awtoridad ang pakay ng kanilang operation.
Narekober sa mga suspek ang P13.6 milyong halaga ng shabu at buybust money na ginamit ng PDEA asset . VERLIN RUIZ