P14.7-M SHABU, ECSTASY NASABAT SA NAIA

AABOT sa P14.749 milyong halaga ng shabu at ecstasy na nakalagay sa 3 parcel ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC-NAIA) at PDEA sa Central Mail Exchange center (CMEC) sa Ninoy Aquino International Airport kahapon.

Nabatid na dumating ang unang parcel na naglalaman ng 5,240 tablets ng ecstacy, noong 2021, at idineklara itong women’s at baby wear gift, kung saan naka-consigned kay Charmie Mia Diaz Ruiz ng Sto. Nino, Pampanga.

Ang nasabing parcel ay ipinadala ni alyas Mike ng Kikkenstraat habang ang ikalawang parcel naman ay pinadala ni alyas Moses Damona ng The Netherlands kung saan naglalaman ng 2,236 tablets ng ecstacy ay naka-consigned kay Marcos Allison ng Pedro Gil St. Malate, Manila.

Kasunod nito, nasabat din ang isa pang parcel na nasa warehouse at patungong Australia kung saan naglalaman ng 300 gramo ng shabu at itinago sa wall sticker.

Napag-alamang pinadala ng isang alyas Mary Gutierrez ng Dasmarinas City, Cavite, at naka-consigned ito sa alyas Errol Michell.

Nadiskubre ang illegal drug matapos isailalim sa X-ray at chemical analysis kung saan nagpapatuloy ang imbestigasyon ng BOC-NAIA at PDEA para masakote ang mga suspek at kasuhan sa paglabag ng RA 9165 ( Comprehensive Drug Act) at RA 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) (CMTA).
FROILAN MORALLOS/ MHAR BASCO