P14-M GOLDEN TROPHY NAKATAYA SA MPBL FINALS

HIGIT pa sa titulo at karangalan ang paglalabanan sa MPBL (Maharlika Pilipinas Basketball League) Season 4 National Finals sa pagitan ng Nueva Ecija at Zamboanga.

Ayon kay MPBL lead executive Joe Ramos, ang magwawagi sa best-of-five title series simula sa Biyernes ay gagawaran ng golden trophy na nagkakahalaga ng P14 million.

Bukod dito, ang bawat miyembro ng mananalong koponan ay tatanggap ng championship rings na nagkakahalaga ng P100,000. Ang title series ay magsisimula sa Biyernes sa Nueva Ecija Coliseum sa Palayan City.

“Aside from the trophy with three kilos of solid gold, 22 sets of championship rings will be awarded,” pahayag ni Ramos sa Philippine Sportswriters Association Forum kahapon sa Rizal Memorial Sports Complex.

“Every year we have a new trophy made and is awarded to the team owner,” dagdag ni Ramos sa forum na itinataguyod ng San Miguel Corporation (PSC), MILO, PSC, Philippine Olympic Committee, at ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

Dumalo rin si MPBL commissioner Kenneth Duremdes sa forum kasama sina operation head Emerson Oreta, legal counsel Atty. Glen Gacal, Nueva Ecija coach Jerson Cabiltes, Zamboanga coach Vic Ycasiano, Nueva Ecija players Jonathan Uyloan, Hesed Gabo and Renz Palma, at Zamboanga’s Jerald Bautista, Chito Jaime at Adrian Santos.

Ang Games 1 at 2 (Dec. 5) ay lalaruin sa Nueva Ecija Coliseum na susundan ng Games 3 (Dec. 9) at 4 (kung kinakailangan sa Dec. 12) sa Mayor Vitaliano D. Agan Coliseum sa Zamboanga. Kung kinakailangan, ang Game 5 ay gaganapin sa Nueva Ecija sa Dec. 12.

Inaasahan ni Duremdes ang umaatikabong bakbakan at packed arenas sa pagitan ng Rice Vanguards ng Nueva Ecija, ang Northern division champions, at ng Family’s Brand Sardines, ang South division champions.

“Napakadaming tao. So, we need additional crowd-control. In the quarterfinals and semifinals, it was already difficult to control the crowd. Lalo na ngayon na national finals,” aniya.

Nangako ang dalawang coach na gagawin ang lahat ng kanilang makakaya.

“Ibibigay namin lahat,” sabi ni Cabiltes, na ang tropa ay natalo sa Game 1 ng North division finals kontra San Juan bago winalis ang sumunod na dalawang laro para umabante sa National Finals.

“Kailangan siguro naming maramdaman ‘yung pagkatalo. It toughened us. It was a blessing in disguise kasi nawala yung pressure to sweep the tournament. Mas manghihinayang ako ngayon if hindi namin makuha ang (national) championship,” aniya.

Sa kanyang panig ay tanggap naman ni Ycasiano ang pagiging “underdog” sa serye at hindi iniintindi ang mga komento na ang magwawagi sa pagitan ng

Nueva Ecija at ng San Juan ang tatanghaling national champions.

“Hindi ko iniisip ‘yun. I only mind what’s happening inside the court. I just tell my players that nandito na kami and that we were made for this. We will be there fighting. We will do everything,” sabi niya.

CLYDE MARIANO