DAVAO DEL NORTE- PINASALAMATAN ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio ang Philippine Navy Naval Forces Eastern Mindanao kasama ang Bureau of Customs XI sa pagkakasabat sa isang Jungkung vessel na may kargang smuggled cigarettes na nagkakahalaga ng P14 milyon sa karagatan sakop ng Barangay Camudmud, IGACOS, sa lalawigang ito.
Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Rubio naglunsad ng law enforcement operation ang Naval Task Force 71 ng NFEM sa pamamagitan ng BA492 ng 4th Boat Attack Division at Naval Special Operations Unit 7 kasama ang Bureau of Customs XI para masupil ang smuggling activities sa lugar.
Nadiskubreng may sakay na 468 master cases ng Canon brand smuggled cigarettes ang nasabat na FB ALYASRA-2 na sinasabing nagmula sa Sulu at dadalhin sana sa Davao City ng maharang ng mga awtoridad.
Samantala, nasa P18 milyong puslit na sigarilyo ang nasamsam ng mga tauhan ng BOC-Davao sa tulong ng Customs Collection District XII, at Philippine Navy Naval Forces, Brgy. Camudmud, Island Garden City of Samal.
Sakay ng fishing boat ang may 23,400 reams ang smuggled cigarettes at sampung tripulante na pansamantalang inilagay sa kustodiya ng Sasa Police Station para sa booking at pagsasampa ng kaukulang kaso.
Sa kanyang ulat kay Rubio naglabas si District Collector Guillermo Pedro A. Francia IV ng warrant of seizure and detention laban sa bangka at mga kontrabando .
VERLIN RUIZ