MOUNTAIN PROVINCE – MALAKING ginhawa at tulong sa produksyon ng gulay ang isinasagawang preventive road maintenance project ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Bontoc.
Ang proyektong ipinatutupad ng DPWH Cordillera Administrative Region ay sumasaklaw sa pagkukumpuni at pagpapaganda ng mga bahagi ng Mt. Province-Nueva Vizcaya Road.
Sa kanyang ulat kay DPWH Secretary Manuel M. Bonoan, binigyang-diin ni DPWH-CAR Director Khadaffy D. Tanggol na ang preventive maintenance na kasalukuyang higit 68 porsyento nang natatapos ay kinabibilangan ng selective reblocking ng Portland cement concrete pavement (PCCP), paglalapat ng slurry surface treatment at paglalagay ng thermoplastic pavement markings.
Kabilang din sa proyekto ang paglalagay ng raised studs at tapered solar lamp posts bilang mga road safety features.
“This project will create significant economic opportunities for the local communties by ensuring that the Mountain Province-Nueva Vizcaya Road remain passable and reliable for transporting agricultural products, allowing farmers to sell more efficiently” sabi ni RD Tanggol.
Ang P144.69-milyong preventive maintenance project na pinondohan sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act (GAA), ay inaasahang matatapos sa Enero 2025.
RUBEN FUENTES