KULUNGAN ang bagsak ng dalawang sangkot sa ilegal na droga kabilang ang isang overseas Filipino worker (OFW) matapos maaresto sa isinagawang buy bust operation at makumpiskahan ng 20 gramo ng shabu at party drugs na “ecstacy” ng Caloocan City Police kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr, ang naarestong mga suspek na sina Chrisbert Dugay, 22-anyos at Rahm Villafranca, 34-anyos,OFW, kapwa ng Gonzales St., Brgy. 69, Caloocan City.
Ayon kay Col. Mina, nakatanggap ng impormasyon mula sa isang regular confidential informant (RCI) ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa umano’y illegal drug activities ng mga suspek kaya’t isinailalim ang mga ito sa isang linggong validation.
Nang makumpirma ang ulat, ikinasa ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni PMAJ Deo Cabildo, kasama ang 6th MFC RMFB-NCRPO ang buy bust operation sa Baltazar St. Brgy. 69 kung saan isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa mga suspek ng P8,000 halaga ng droga.
Matapos tanggapin ng mga suspek ang marked money mula sa poseur buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad silang sinunggaban ng mga operatiba.
Narekober sa mga suspek ang humigi’t kumulang sa 20 gramo ng shabu na may standard drug price P136,000, buy bust money at isang selyadong plastic sachet na naglalaman ng limang pirasong kulay berde tablet na hinihinalang “Ecstacy” na nasa P8,500 ang halaga. VICK TANES