TUMAAS ang excise tax collections sa sigarilyo ng 8 percent sa P147.5 billion noong 2019 dahil sa pagpapatupad ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Sa datos ng Department of Finance (DOF), ang mga buwis na binayaran ng mga cigarette company noong nakaraang taon ay tumaas mula sa P136.5 billion noong 2018, ang unang taon ng implementasyon ng TRAIN Law.
Ang nakolektang buwis mula sa mga sigarilyo ay bumubuo sa mahigit kalahati ng 54.8 percent ng kabuuang ‘sin tax’ collections na nasa P269.1 billion noong 2019.
Bukod sa sigarilyo, ang ‘sin products’ ay kinabibilangan din ng alcoholic drinks at sugar-sweetened beverages.
Ang matatamis na inumin ay pinatawan din ng mas mataas na buwis sa ilalim ng TRAIN Law.
Para sa cigarettes, e-cigarettes at alcohol, isa pang round ng excise tax increases ang ipinatupad noong Enero 1 sa ilalim ng dalawang batas – ang Republic Act No. 11346 at RA 11467.
Umaasa ang pamahalaan na makakokolekta ng karagdagang excise tax na nagkakahalaga ng P14.9 billion mula sa sigarilyo ngayong taon bunga ng pagpapatupad ng RA 11346.
Inaasahan namang makalilikom ng karagdagang P22.2-B ngayong taon mula sa dagdag-buwis sa alcohol, heated tobacco, at vapes sa ilalim ng RA 11467. PILIPINO Mirror Reportorial Team