P15.2-B INILAAN NG DBM SA PANGANGALAGA SA OFWs

DBM

AABOT sa P15.2 bilyon ang inilaan ng Department of Budget and Management (DBM) sa katatatag na Department of Migrant Workers.

Ang nasabing halaga ay sa ilalim ng 2023 National Expenditure Program (NEP).

Layunin nito na matupad ang hakbang at pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pangalagaan at bigyan pansin ang kapakanan ng overseas Filipino workers (OFWs) at matiyak ang sapat na serbisyo at pag-alalay sa mga migranteng Pinoy.

Sinabi ni DBM Secretary Amenah Pangandaman na tutok ang pamahalaan at kinilala ang ambag ng OFWs sa ekonomiya.

“Our OFWs are our modern day heroes. We honor their sacrifices, as they work hard to uplift the lives of their families and to enhance our country’s economy through their remittances,” ayon kay Pangandaman.

Tiniyak din ng kalihim na suportado ng DBM ang adbokasyan ni Pangulong Marcos na maproteksyonan ang mga OFW.

“We know and feel the difficulties our kababayans face by being far from their loved ones and we continue to ensure that they will be afforded with the appropriate support they need,” dagdag ni Pangandaman.

Sa nasabing halaga, P3.5 bilyon ay inilaan sa tanggapan ng pinuno ng DMW, na 77% o P2.7 bilyon ay mapupunta sa Overseas Employment and Welfare Program.

Kasama na ang P1.2 billion at sa AKSYON Fund alinsunod sa Republic Act No 11641.

Batay sa Section 20 ng Republic Act No. 11641 o ang Migrant Workers Act, ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ay mandato na nasa ilalim ng DMW.

Sa ilalim ng 2023 NEP, ang budget allocation na nagkakahalaga ng P10.039 bilyon ay para sa Emergency Repatriation Program ng OWWA.

Sakop nito o pakikinabangan ito ng 367,287 OFWs.

Ang programa ay nagbibigay ng assistance para makauwi ang mga problemado at distressed OFWs.

Kabilang sa makukuhang tulong ng mga OFW ay ang temporary shelter sa OWWA Halfway Home, psycho-social counseling, stress debriefing, at transport services pauwi sa kanilang lugar.

Ang iba pang programa ay kinabibilangan ng DMW budget allocation para sa 2023 sa ilalim ng Overseas Employment Regulatory Program, Labor Migration Policy and International Cooperation Program, Maritime Research and Skills Competency Program, at Provision for OFW Hospital and Diagnostic Center sa ilalim ng Overseas Employment and Welfare Program at iba pa.EVELYN QUIROZ