DAVAO CITY- NAKUMPISKA ng Bureau of Custom at Philippine Drug Enforcement Agency R-11 ang isang kotseng nagkakahalaga ng P15.3 milyon sa lalawigang ito.
Ayon sa BOC nitong Miyerkoles, na-intercept ang isang puting Porsche 911 GT3 RS na nanggaling ng Japan na unang idineklarang used automobile parts matapos ang isinagawang joint inspection sa Port of Davao.
Sa pakikipagkoordinasyon ng BOC Port of Davao sa Philippine Drug Enforcement Agency XI (PDEA), Seaport Interdiction Unit, at Davao City Police Office (DCPO), nasabat ang nasabing luxury car na misdeclared bilang automobile parts.
Isang intelligence information ang ipinarating PNP sa BOC kaugnay sa isang shipment ng “automobile parts” na kahina-hinala at naka-consigned sa isang JJCTD Import and Export Trading Corp.
Agad na nakipag-ugnayan ang BOC sa PDEA Region XI para magsagawa ng pagsusuri sa naturang shipment na posibleng siningitan ng smuggled illegal drugs.
Nang buksan ang container ng shipment, nakita muna ng mga awtoridad ang ilang mga piyesa ng sasakyan pero nadiskubre ang mga itong pantakip lang sa naturang luxury car.
Ayon sa mga awtoridad, inihain na ang warrant of seizure and detention para sa sasakyan dahil sa paglabag ng Customs Modernization and Tariff Act, Section 1400 concerning Section 1113 of R.A. 10863.
VERLIN RUIZ