AABOT sa P15 bilyon ang kakailanganing pondo ng Office of the Civil Defense Western Visayas kapag itinaas sa level 4 ang alerto sa paligid ng Kanlaon Volcano na nasa Negros Islands.
Inihayag ni OCD W. Visayas Regional Director Raul Fernandez na ang P15 bilyon ay magagamit lamang sa loob ng 30 araw.
Sinasabing halos ‘kumakatok” na ang alert level 4 sa paligid ng bulkan dahil sa tumataas na aktidibad nito.
Kahapon, walang tigil ang pagbuga ng abo sa bulkan at naging matindi ito sa pagitan ng alas-10:25 ng umaga hanggang alas-12:20 ng tanghali.
Nasapol ng Internet Protocol camera na umabot sa 500 metro ang taas ng pagbubuga ng maitim na usok mula sa bunganga ng bulkan.
Ikinakasa naman ng OCD ang Oplan Exodus na ibig sabihin na ang lahat ng mga residente sa Canlaon City ay ililikas na upang makaiwas sa trahedya.
Samantala, tumaas naman ang seismic activity ng bulkang Taal sa Batangas kaya pinaalalahanan ang mga residente na maging mapagbantay.
Iniulat naman ng Phivolcs na nitong Enero 6 ay nagkaroon ng isang minor phreatomagmatic eruption sa Bulkang Taal na nagdulot ng 600 metrong plumes, isang volcanic tremor na tumagal ng tatlong minuto.
Bukod sa nasabing aktibidad, nairecord din sa nasabing araw ang 12 volcanic events at anim na tremor events.
Sa kasalukuyan ay nananatiling nakataas ang alert level 1 sa Taal volcano.
EUNICE CELARIO