P15-M COCAINE LUMUTANG SA DAGAT

CAGAYAN-NASA tatlong kilo ng cocaine ang narekober ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) matapos na madiskubre ang mga paketeng palutang-lutang sa karagatang sakop ng nasabing lalawigan.

Batay sa ulat na ibinahagi ni PDEA Information Office chief Director Derrick Carreon, rumesponde mga operatiba ng PDEA Region 2 katuwang ang tauhan ng PNP sa ulat mula sa mga mangingisda sa lugar na may mga kahinahinalang bagay na lumulutang sa bahagi ng Abulug at Ballesteros.

At dito nadiskubre ang 3 kilong cocaine na tinatayang nasa P15 milyon ang street value.

Makaraang tukuying iligal na droga ng mga sinanay na K9 dogs ang kahinahinalang substance ay isasailalim pa rin ito sa laboratory examination ng PDEA para makumpirma.

Inaalam pa ng PNP at PDEA kung may iba pang mga cocaine ang nakakalat sa lugar kaya’t nakaalerto ngayon sa lugar ang mga elemento ng HRMU2, Aparri MPP, Eastern Cagayan MARPSTA, Western Cagayan MARPSTA, Aparri PS , RID2, RIU2, PDEA RO2, RDEU2 at maging ang Marine Battalion Landing Team 10 ng Philippine Navy. VERLIN RUIZ