NASABAT ng Bureau of Customs (BOC) sa Manila International Container Port (MICP) ang sampung container na naglalaman ng mga asukal dahil sa paglabag ng Customs Modernization and Tariffs Act.
Kinilala ni Customs Commissioner Isidro Lapeña ang consignee na Don Trading, at pagmamay-ari ni Dennis Orlanda Narra na matatagpuan sa 4F La Maja Building, 459 Legaspi St., Intramuros, Manila.
Lumalabas sa imbestigasyon ng tauhan ng BOC na walang maipakita ang consignee ng import permit galing sa pamahalaan na magpapatunay na legal ang kanyang pag-import ng asukal.
Tinatayang aabot sa halagang P15 milyon ang asukal at idineklara ng Don Trading na mga refractory mortar ang 5,000 sacks nito.
Ayon sa mga kawani ng MICP, ang sinasabing refractory mortar ay katulad ng semento na ginagamit sa building brick o iyong tinatawag na stone fireplaces na kasing katulad din ng asukal.
Batay sa rekord ng MICP, ang nasabing mga shipment ay galing sa Thailand at dumating ito sa bansa noong Hulyo 13. At nadiskubre ng mga taga-Customs na ang broker nito o nagpa-facilitate sa paglabas ay isang Ameloden Buruan Riga na taga-Quiapo.
Agad namang inisyuhan ng BOC ang mga nasabing asukal ng warrant of seizure and detention dahil sa paglabag ng Section 1400 (Misdeclaration, Misclassification, Undervaluation in Goods Declaration) in relation to Section 1113 (Property Subject to Seizure and Forfeiture) sa ilalim ng CMTA.
Kakaharapin din ang kasong kriminal ng customs broker dahil sa paglabag ng Republic Act 10845 or the Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016, at ng Section 3 ng Republic Act No. 10845, na maaaring patawan ng kulong at may kaakibat na revocation ng kanyang lisensiya. FROI MORALLOS
Comments are closed.