ARESTADO ang isang drug pusher na nakasamsam ng 15 kilong shabu sa isinagawang buy-bust operation ng puwersa ng Philippine Drug Enforcement Group (PDEG) SOU – NCR kahapon ng madaling araw sa Baesa Road, Caloocan City.
Sa report ni PDEG director BGeneral Remus Medina, ang nasakote ay nakilalang si Randy Rafael y Rodriguez, alyas “RR”, 42-anyos, walang asawa at nakatira sa no. 2279 P. Dandan St., Pasay City.
Ayon kay Medina kasama nila sa isinagawang buy-bust operation ang mga tauhan ng SOU7 PDEG, IFLD PDEG, RDEU/RSOG NCRPO, CIIS BOC,IIS PDEA, NCR PDEA, NICA NCR, CIDG – NCR at CIDG -NCR Northern Field Unit at Caloocan Police Station.
Sinabi pa ni Medina na bago isinagaw ang operasyon ay matagal na nilang pinasusubaybayan ang naturang suspek na kung saan ay nagpanggap na poseur buyer ang isang pulis hanggang sa makuha nito ang tiwala ng suspek .
Nabatid pa sa report na ang nasabing suspek ay nagtratrabaho sa isang Chinese personality na itinago sa pangalang alyas “LIM” na kung saan ay hayagang namamahagi ng iligal na droga sa Metro Manila at mga kalapit na rehiyon.
Napag-alaman pa na ang paraan ng pagbabayad sa bawat transaksyon ay cosignment basis o spot cash depende sa kalidad ng mamimili, habang ang mga item ay ihahatid nang personal o sa pamamagitan ng dead drop.
Nasamsam ng mga operatiba sa suspek ang 15 piraso ng teabug na naglalaman ng higit kumulang sa 15 kilo ng shabu na may kabuuang halagang P 102 milyon, dalawang piraso ng P1,000 piso na may ultra violet powder na may kasamang labing limang piraso na nakabundle na tig-iisang libo bill bilang boodle money at isang basic cellular phone.
Ang naturang suspek ay dadalhin sa PDEG SOU-NCR, sa Camp Crame sa Quezon City kasama ang mga nakumpiskang ebidensiya para sa kaukulang dokumentasyon.
Si alyas “RR” ay nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165. EVELYN GARCIA