CALABARZON – MAHIGIT sa P15 milyon halaga ng shabu ang nasamsam ng mga operatiba ng PNP at PDEA sa magkahiwalay na buy bust operations sa Laguna at Quezon nitong Linggo.
Nakasamsam ang mga tauhan ng Sta.Rosa city police office kasama ang Philippine Drug Enforcement Group ng mahigit sa 700 gramo ng shabu sa isang tulak na lalaki na nasa listahan ng High value individual ng lalawigan.
Kinilala ni Col. Randy Glenn Silvio, Laguna police director ang suspek na si Joemar Demandante, 40-anyos, may asawa at residente ng Ayala Southville, Almanza Uno, Las Pinas City.
Sinabi ni Silvio na matagal ng pinaghahanap ng pulisya sa Sta Rosa dahil dito umano nagbabagsak ng droga ang suspek.
Agad na nagkasa ng buy bust operation ang pulis na nagresulta sa mabilis na pagkahuli kay Demandante.
Sa lalawigan naman ng Quezon, timbog din sa entrapment operation ang isang buy and sell agent matapos itong masamsaman ng P7.6 milyong halaga ng illegal drugs sa lungsod ng Lucena Linggo ng madaling araw.
Nahaharap ang suspek na si Andrian Saludez, 34-anyos, binata at residente ng Immaculada Subdivision, Barangay Isabang, Lucena city.
Si Saludez ay dinakip ng mga tauhan ng Quezon provincial Drug Enforcement Unit at PDEA region 4a sa aktong ibinibigay nito ang droga sa undercover agent na nagpanggap na poseur buyer.
Nahaharap ang mga suspek sa paglabag sa Section 5 ng R.A 9165 o ang Dangerous Drug Act of 2002.
ARMAN CAMBE