INARESTO ng pinagsanib na mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC), National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine Coast Guard (PCG) ang may-ari ng warehouse na nag-iimbak ng mga pekeng COVID-19 antigen test kits, at mga gamot sa loob ng kanyang bodega sa Maynila.
Sinalakay ang naturang bodega sa bisa ng Letter of Authority (LOA) na may reference no. 01-20-006-2022 at Mission Order ref. no. 01-20-2022-046 na inisyu nitong Biyernes ni Custom Commissioner Leonardo Guerrero.
Ayon sa report, ang warehouse ay pag-aari ng isang Chinese national na matatagpuan sa no. 555 Carlos Palanca St. San Miguel Manila, kung saan nakaimbak ang mga pekeng o counterfeit Clungene COVID-19 antigen test kits, LianHua Chinese Herbal Medicines, at 3M N95 face mask.
Batay sa impormasyon na nakalap ng pahayagang ito, tinatayang aabot sa P150 milyon ang halaga ng nakatagong fake antigen test kits at gamot na pinaniniwalaan galing sa China.
Nakakita rin ang raiding team sa loob ng warehouse ng mga branded na Nike, Fila, Converse, Adidas, Louis Vuitton, Gucci bags, wallets, phone accessories at marami pang iba.
Kakaharapin ng hindi binabanggit ang pagkakilanlan ng Chinese national ang ibat-ibang kaso bunsod sa paglabag ng Sec. 1401 (Unlawful Importation/Exportation) of the Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) Law at Section 1113 (Property Subject to Seizure and Forfeiture) paragraph (l) (5) ng CMTA law at Sec. 118 (Prohibited Importation and Exportation) paragraph (e).
Nilabag din nitong Chinese ang Food and Drug Administration (FDA) rules and regulations at pansamantalang ipinadlak ang warehouse habang nagsasagawa ng inventory sa naturang bodega. FROILAN MORALLOS