P150-M SMUGGLED FAKE PRODUCTS NASAMSAM

CAVITE – TINATAYANG aabot sa P150 milyong halaga ng smuggled fake products ang nasabat ng mga operatiba ng Bureau of Customs (BOC) katuwang ang Cavite PNP at opisyal ng mga barangay makaraang salakayin ang malaking warehouse sa bahagi ng Brgy. Alapan II-A sa Imus City, Cavite nitong Huwebes.

Sa inaprobahang Letter of Authority (LOA) na nilagdaan ni Customs Commissioner Filemon Ruiz kung saan sa pakikipag-ugnayan sa pulisya at barangay officials ay sinalakay ng Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP) at ESST-QRT ang malaking bodega ng Hong Yun Real Estate Group, Inc. sa M. Salud Road sa nabanggit na lungsod.

Ayon kay Intelligence group Deputy Commissioner retired Major Gen. Juvymax Uy, bago pasukin ang warehouse ay ipinakita ang LOA at nakipag-ugnayan muna sa namamahala ng bodega at security guard on duty para masiguro na ang mga kasong isasampa laban sa may-ari ay hindi mabalewala sa hukuman saka nagsagawa ng inspection.

Kaagad na nagsagawa ng inventory sa mga counterfeit product sa bodega kung saan tumayong mga saksi ang mga tauhan ng CIIS-MICP at maging ang security guard on duty at namamahala sa nasabing warehouse.

Kabilang sa nadiskubreng smuggled fake products ay mga ready-to-wear garments na may brands na Dickies, Mossimo, Bench, Levi’s, Puma, Fila, Mickey Mouse, Hello Kitty at iba pang appliances at general merchandise.

Nabatid na bago madiskubre ang smuggled fake products sa nasabing warehouse ay nakatanggap ng impormasyon ang kinauukulang ahensya ng pamahalaan kaya nagsagawa ng masusing surveillance hanggang sa magpositibo kaya isinagawa ang pagsalakay. MHAR BASCO