P150K CASH NAIWAN SA TAXI ISINAULI NG DRIVER

TAXI

KAHIT kapos sa panggastos dahil sa kaliwa’t kanang pagtaas ng mga pangunahing bilihin, isinauli ng isang taxi driver ang P150,000 at iba pang mga gadget na naiwan ng kanyang pasahero sa Navotas City nitong huwebes ng hapon.

Mismong kina Mayor John Rey Tiangco at Cong. Toby Tiangco ibi­nigay ni Rodney Chad Mallari, nasa hustong gulang, ng Barangay San Jose ang nasabing halaga kaya pinuri ito ng magkapatid dahil sa kanyang katapatan.

Kuwento ni Mallari, naiwan ng kanyang pasahero ang pouch na may lamang pera at gamit na naisakay niya dakong alas-2:00 ng hapon.

“Nagulat po ako kasi may nakita akong pouch sa likod ng passenger seat ng taxi ko, nang buksan ko pera ang laman,” sabi ni Mallari.

Dahil dito, nagtungo kay Punong Barangay Ernan Perez ng Barangay San Jose, Navotas ang nasabing taxi driver na kaagad namang nagpunta sa magkapatid na Tiangco at nag-courtesy call.

Ayon sa alkalde, maaaring kunin ng tunay na may-ari ang pera niyang naiwan sa kanyang opisina kahit na anong oras at araw.

“Hinahangaan ko si Mallari sa ipinakita niyang katapatan, kahit sa kabila ng hirap ng buhay umiral pa rin ang kanyang konsensya,” ani Tiangco. EVELYN GARCIA