NASAMSAM ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang P152 million na halaga ng counterfeit footwear products sa Pampanga noong Sabado.
Isinilbi ng CIDG Pampanga Field Unit at local police, sa pakikipag-ugnayan sa mga abogado ng footwear company, ang search warrants sa isang “Chongjian,” isang Chinese national na nagnenegosyo sa ilalim ng pangalang Apexel.
Hindi natagpuan ang Tsino.
Sa isang report nitong Linggo, sinabi ng CIDG na ang search warrants ay inisyu ng Manila Regional Trial Court Branch 24 dahil sa paglabag sa Intellectual Property Code.
Nakumpiska sa CIDG operation ang mahigit 45,000 pares ng counterfeit footwear na may tatak na “Crocs,” molding plates, raw materials, machinery, sales invoices at order slips.
Ang lahat ng nakumpiskang ebidensiya ay itinurnover sa mga kinatawan ng Crocs para sa safekeeping bago ang clarificatory hearing na nakatakda sa Feb. 26, 2025.
Sinabi ni Philippine National Police chief Gen. Rommel Francisco Marbil na ang operasyon ay kaugnay sa pagsisikap ng pamahalaan na puksain ang economic sabotage, partikular ang smuggling.
“This operation demonstrates our unwavering commitment to uphold the rule of law and protect the interests of businesses and consumers. Counterfeit goods not only undermine legitimate enterprises but also pose significant risks to public safety,” sabi ni Marbil sa isang news release.
ULAT MULA SA PNA