P158.4-M SHABU NA PALUTANG-LUTANG SA ILOG NALAMBAT

ILOCOS SUR- NALAMBAT ng mga mangingisda ang 24 na pakete ng shabu na umaabot sa halagang P158.4 milyong habang palutang-lutang sa dagat sa Brgy. Solotsolot, San Juan ng lalawigang ito.

Batay sa report ng pulisya, ang mga pakete ng shabu ay palutang-lutang sa dagat sa layong 16-nautical miles mula dalampasigan ay nadiskubre ng dalawang mangingisdang nakasakay ng motorized banca na kung saan pauwi na matapos manghuli ng mga isda.

Inakala nilang mga basura ang mga ito kaya kinuha nila para hindi pakalat-kalat sa dagat ngunit nang makita nila ang mga pakete ay may laman na white crystalline substance na agad nilang ipinagbigay-alam ito sa San Juan Municipal Police Station para malaman kung ano ito.

Nabatid na ang naturang mga pakete ay tumitimbang ng humigit kumulang sa isang kilo bawat isa na tinatayang nagkakahalaga ng P6.6 milyon bawat isa, kung saan ang 24 na pakete ay umaabot sa halagang P158.4 milyon.

Hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pang nagsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang mga awtoridad upang tuklasin kung saan nanggaling ang naturang mga droga. EVELYN GARCIA