INAPRUBAHAN ng National Economic and Development Authority (NEDA) Board ang flagship digital infrastructure project ng bansa, isang public broadband network na inaasahang magdadala ng high-speed internet connection sa mga liblib na lugar.
Sa isang statement, sinabi ng NEDA na inaprubahan ng board nito ang Philippine Digital Infrastructure Project (PDIP), na inaasahan ding magpapalakas sa broadband infrastructure at connectivity ng bansa.
Sinabi ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan na ang P16.1-billion PDIP ay makatutulong sa pag-udyok sa economic development sa pagbibigay sa mas maraming Pilipino ng access sa iba’t ibang merkado.
Ang proyekto na tutustusan sa pamamagitan ng official development assistance mula sa World Bank ay naglalayong palawakin ang digital infrastructure upang pag-ugnayin ang digital divide, pasiglahin ang private sector investments, at palakasin ang kapasidad para sa cybersecurity at sa pagprotekta ng critical information infrastructure.
Ang proyekto, na nakaangkla sa National Broadband Program, isang flagship initiative ng Department of Information and Communications Technology (DICT), ay kinasasangkutan ng konstruksiyon ng isang public broadband infrastructure network.
Ang network na ito ay binubuo ng limang major components: backbone network, middle-mile network, access network (last-mile), network security at project management support.
“Broadband services have already opened up numerous opportunities for Filipinos, from work-from-home arrangements to digital access to critical public and private services,” ani Balisacan.
Inaprubahan din ng NEDA Board ang adjustments sa siyam na isinasagawang infrastructure projects. Ang naturang mga proyekto ay ang New Cebu International Container Port Project; Light Rail Transit Line 1 South Extension Project; Malolos-Clark Railway Project, Tranche 1; Metro Manila Flood Management Project, Phase 1;
Reconstruction and Development Plan for a Greater Marawi, Stage 2; Improving Growth Corridors in Mindanao Road Sector Project; at Panguil Bay Bridge Project.