NAIPAMAHAGI na ang first tranche ng two-month wage subsidy package na may kabuuang halaga na P16.4 billion sa mahigit 2.1 million qualified beneficiary-workers ng Small Business Wage Subsidy (SBWS) program na magkakatuwang na ipinatupad ng Department of Finance (DOF), Bureau of Internal Revenue (BIR) at Social Security System (SSS).
Layon ng SBWS na ayudahan ang mga kuwalipikadong manggagawa na hindi nakatanggap ng suweldo sa loob ng hindi bababa sa dalawang linggo dahil sa enhanced community quarantine (ECQ) na ipinatupad ng pamahalaan magmula noong Marso 17 upang mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa ilalim ng programa, ang SBWS beneficiary ay tatanggap ng tig-P5,000 hanggang P8,000, depende sa minimum wage level sa kanilang rehiyon.
Ang SBWS subsidies ay inihulog sa bank o PayMaya accounts ng mga benepisyaryo o ipinadala sa pamamagitan ng cash remittance via MLhuillier financial services.
Ang SBWS initiative ay isa sa intervention programs na inilatag ng administrasyong Duterte bilang suporta sa low-income families, mga manggagawa ng maliliit na negosyo at iba pang sektor na hinambalos ng COVID-19 pandemic.
Ang SBWS interagency task force ay pinamumunuan ng DOF, na kinatawan ni Assistant Secretary Antonio Joselito Lambino II, kasama sina SSS President-CEO Aurora Ignacio at BIR Deputy Commissioner Arnel Guballa bilang mga miyembro.
Ang pamamahagi ng first tranche ng subsidiya ay nagsimula noong Abril 30, habang ang second tranche ay nakatakda simula Mayo 16 hanggang Mayo 31.
Comments are closed.