NA-INTERCEPT ng mga tauhan ng Bureau ofCustoms (BOC) sa Clark International Airport (CIA) sa Angeles City Pampanga ang 9,917 Ecstacy o kilala na Party Drugs na tinatayang aabot sa P16,911,600.00 milyon ang halaga.
Ayon sa report na nakarating kay Customs Commissioner Leonardo Guerrero itinago ang drogang ito sa loob ng apat na bed sheets at idineklara bilang bed sheets, Lady bag, Watch, Shoes at damit.
Nadiskubre ang mga ito matapos sumailalim ng 100 percent eksaminasyon ng Customs examiner sa harap ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), personnel at ng Customs Anti-Illegal Drug Task Force (CAIDTF), ng Port of Clark.
Batay sa record ng BOC sa Clark ang mga droga ay galing sa Brussels sa Belgium at ipinadala sa isang Pilipino consignee na naninirahan sa Barangay Tatalon, Quezon City.
Agad inisyuhan ng Warrant and Seizure and Detention ang mga Methylenedioxy- methamphemine (MDMA) o Ecstacy ni BOC Clark District Collector Alexandra Lumontad dahil sa paglabag ng Sections 1400, 118 (g), 119 (d) and 1113 par. f, i & l (3 & 4) of R.A. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) na may kaugnayan sa R.A. 9165 o kilala na Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. FROILAN MORALLOS