P16 M MARIJUANA BRICKS NASAMSAM

ISABELA-TINATAYANG aabot sa P16 milyon ang halaga ng nakumpiskang 127 bricks ng pinatuyong dahon ng marijuana mula sa dalawang suspek sa isnagawang buy bust operation ng mga awtoridad sa Abut, Quezon sa lalawigang ito.

Kinilala ang mga suspek na sina Anwar Sindatoc, 54-anyos, may asawa, tsuper, residente ng Phase 4 CAA, Las Piñas City at Elson Cabunyag, 43-anyos na residente naman ng 073- Block 1 Dubai Bagong Lupa Baseco Port Area, Manila.

Isinagawa ang naturang buy bust operasyon nang pinagsanib na puwersa ng Provincial Drug Enforcement Unit/Provincial Intelligence Unit ng Isabela Police Provincial Office, PDEA Region 2, Isabela Provincial Office, Provincial EOD/Canine Unit Isabela, Quezon Police Station at Regional Drug Enforcement Unit 2.

Inilatag ang entrapment operation nang makipagtransaksyon ang dalawang suspek na lulan ng Toyota Hi-Ace, Suer Grandia Van sa mga Intel. Operative ng Provincial Intelligence Unit at PDEA agent sa boundary ng Abut, Quezon, Isabela at lalawigan ng Kalinga.

Subalit, nakahalata umano ang mga suspek na mga awtoridad ang kanilang katransaksyon kung kaya’t mabilis na pinasibat ang kanilang sasakyan dahilan upang habulin ito ng mga awtoridad hanggang sa masakote sa quarantine checkpoint sa naturang bayan.

Nang rekesahin ng operatiba ang sasakyan ng dalawang suspek at tumambad sa kanila ang mga pinatuyong dahon ng marijuana bricks tubular na nakasilid sa tatlong kahon at apat na sako na may bigat na halos 130kgs. na nagkakahalaga ng milyon-milyon.

Narekober din sa mga ito ang isang cal 45 pistol, Colt Mark IV na may isang magazine at 7 bala, 10 bala ng M14 at dalawang plastic sachet na naglalaman ng halos tatlong gramo ng shabu na may estimated value na P20,400, iba’t ibang IDs, dalawang cellphone at 31 na piraso ng 1,000 peso bill boodle money. IRENE GONZALES

Comments are closed.