P160-B KAILANGAN SA BOL, IRA NG LGUs

Rep-Rolando-Andaya-Jr

NANAWAGAN si Deputy Speaker Rolando Andaya, Jr. na magkaroon ng koordinasyon sa pagitan ng Malakanyang at ng Mababang Kapulu­ngan ng Kongreso para hanapan ng paraan ang paglalaan ng nasa P160 bilyong pondo kaugnay sa nakatakdang pagpapatupad ng Bangsamoro Organic Law (BOL) at naging kautusan ng Supreme Court (SC) na pagtataas sa Internal Revenue Allotment (IRA) ng local government units (LGUs).

Ang BOL ay pinirmahan na ni Pangulong ­Rodrigo ­Duterte kahapon.

Ayon sa first district Camarines Sur solon, sa unang taon pa lamang ng implementasyon ng BOL, nasa P110-B  ang pondo na kakailanganin, na sa kanyang paniniwala ay P32-B ang manggagaling sa ARMM; P15-B  mula sa iba’t ibang national government agencies at nasa P2-B naman sa IRA kung kaya P38 hanggang P40 billion pa ang kulang.

Nito namang nakaraang Hulyo 4, nagpalabas ng desisyon ang High Tribunal na nagsasaad na ang IRA shares ng LGUs ay dapat na magmula sa lahat ng national taxes at hindi lamang sa nakokolektang national internal revenue taxes.

Sa pagtaya ni Andaya, katumbas ng P120 billion ang kailangang idagdag para pondohan ang IRA sa susunod na taon, na base sa isinumiteng 2019 National Expenditure ­Program ay may inalaan itong P575.5 billion para rito.

Giit niya, kapuwa may implikasyon ang BOL at SC ­ruling sa dapat na maaaprubahang pambansang badget sa 2019, na nakatakdang talakayin sa Kamara pagsapit ng buwan ng Agosto, una sa pamamagitan ng House Committee on Appropriations na pinamumunuan ni 1st. Dist. Davao City Rep. Karlo Alexei Nograles.

Kaya namang sinabi ng deputy speaker na nasa P160 billion ang karagdagang pondo na dapat ay masama sa 2019 national budget. ROMER R. BUTUYAN

Comments are closed.