TAWI-TAWI- NAHARANG ng mga operatiba ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Navy ang umaabot sa P160 milyong smuggled na sigarilyo sa isinagawang operasyon sa karagatan ng Tandubas sa lalawigang ito.
Ayon sa pahayag ni BOC Commissioner Bienvenido Rubio, nag-ugat ang operasyon sa impormasyon na kanilang natanggap tungkol sa isang motor banca na magpapalusot ng sigarilyo sa pamamagitan ng Southern Backdoor ng bansa.
Nasa 2,798 master cases ng illegally imported branded cigarettes na nagkakahalaga ng P160 million sakay ng M/B INDAH NADZ ang naharang ng Philippine Navy sa Tawi-Tawi sa pamamagitan ng intelligence report mula sa Bureau of Customs Intelligence Group.
Ang boundaries ng bansa sa Mindanao ay naging mahirap para sa security forces ng gobyerno dahil sa mga border na naging paboritong ruta ng mga smuggler at human trafficker.
Sa nasabing operasyon, nakipagsanib-puwersa ang Intelligence Group (IG) at Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ng BOC sa mga tauhan ng PC390 ng Navy sa pagharang sa motor boat sa paligid ng Baturapac Island.
Sa inspeksyon ng M/B INDAH NADZ, sinabi ng mga awtoridad na natagpuan nito ang 2,798 master case ng mga sigarilyo. EVELYN GARCIA